Miyerkules, Enero 22, 2020


"Sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto" - Lucas 24:39 Ang Biblia 1905

Ano nga ba ang kahulugan ng mga pananalitang ito ni Jesus nang siya ay magpakita sa kaniyang mga alagad matapos na siya ay buhayin na mag-uli? Itinuturo ba nito na siya nga ay "tao" lamang gaya ng pagtuturo ng  ilang pangkating pangrelihiyon? Ano nga ba ang kalagayan ng Panginoong Jesus nang siya ay buhayin na mag-uli? Ating suriin ang itinuturo ng Kasulatan.


Sa Lucas 24 ay iniulat ang ilang mga pangyayari kung saan ay nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad matapos siyang buhayin na mag-uli. Sa huling bahagi ng mga pangyayaring ito, si Jesus ay kagyat na lumitaw sa gitna ng kaniyang mga alagad habang sila ay nag-uusap-usap may kinalaman sa nauna nang pagpapakita sa kanila ng kanilang Panginoon. Ngayong napakita si Jesus sa gitna nila, sinasabi ng ulat na sila ay "kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu." (Luc 24:37) Ano nga ba ang dahilan kung kaya't naisip ng mga alagad na nakakita sila ng isang "espiritu?" Bakit sila "nangahintakutan?" Anong uri ng "espiritu" ang pumasok sa isip nila na kanilang nakikita? Upang masagot ang mga tanong na ito, suriin muna natin ang kahulugan ng salitang "espiritu" (πνεύμα, pneuma) kung papaano ito ginagamit ng manunulat mismo ng ebanghelyong ito ni Lucas.  Pansinin ang mga sumusunod (idinagdag ang pagdiriin sa pamamagitan ng paglalagay ng Griegong salitang ginamit sa teksto):

Lucas 4:33 - At sa sinagoga ay may isang lalake na may espiritu (πνεύμα) ng karumaldumal na demonio (δαιμόνιον); at siya'y sumigaw ng malakas na tinig,

Lucas 8:29 - Sapagka't ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu (πνεύμα) na lumabas sa tao. Sapagka't madalas siyang inaalihan: at siya'y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya'y itinataboy ng demonio (δαιμόνιον) sa mga ilang.

Lucas 9:39 - At narito, inaalihan siya ng isang espiritu (πνεύμα), at siya'y biglang nagsisigaw; at siya'y nililiglig, na pinabubula ang bibig, at bahagya nang siya'y hiwalayan, na siya'y totoong pinasasakitan.

Lucas 9:42 - At samantalang siya'y lumalapit, ay ibinuwal siya ng demonio (δαιμόνιον), at pinapangatal na mainam. Datapuwa't pinagwikaan ni Jesus ang karumaldumal na espiritu (πνεύμα), at pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kaniyang ama.

Mula sa mga siniping talata sa itaas ay makikita natin na ang pinatutungkulan mga katagang “espiritu” ay kadalasang tumutukoy sa mga demonyo (δαιμόνιον). Kaya hindi nakapagtataka na ang mga alagad ay “nangahintakutan” o kinilabutan sa biglaang pagpapakita ni Jesus, sapagkat ipinapakita lang nito na ang nasa kanilang isip ay may isang demonyong tumayo sa gitna nila. Ano pa nga bang uri ng espiritu ang makakatakot sa kanila?

Kapansin-pansin, si Ignatius (namatay malamang noong panahon ng pamamahala ni Trajan [98 – 117 CE])  ay sumulat sa mga Smyrnaeans (3:2): “Sapagkat alam ko at naniniwala ako na siya ay nasa laman maging nang siya ay matapos na buhayin na mag-uli; at nang siya (Jesus) ay pumaroon kay Pedro at sa mga kasama niya, sinabi niya sa kanila: “Hawakan ninyo ako, hawakan ninyo ako at tingnan na ako ay hindi isang demonyong walang laman.”



Ipinapakita lamang nito na malaon nang may pagkaunawa na ang mga pananalita ng Panginoong Jesus na siya ay hindi isang “espiritu” ay nangangahulugan lamang, kaayon ng pagkakagamit ni Lucas ng salitang iyon sa kaniyang mga ulat, na siya ay hindi isang “demonio”. Shempre pa, naniniwala naman talaga si Ignatius sa pisikal na pagkabuhay na mag-uli ni Jesus, ang pagsipi kay Ignatius sa puntong ito ay upang ipakita lamang na ang pagbanggit ni Jesus ng mga salitang “espiritu” sa Lucas 24:39 ay inuunawa ng ilan na nangangahulugang “demonyo”. Kaya nga, nang sila ay mangahintakutan, siniguro sa kanila (mga alagad) ni Jesus na siya ay hindi isang aparisyon o isang espiritung demonyo na dapat nilang katakutan. Para patunayan ito, nagpakita siya sa isang pisikal na katawan o laman, kung papaanong ginagawa ito ng mga banal na anghel noong nauna pang mga panahon.