Lunes, Oktubre 14, 2013

Ang Trinidad at Juan 2:18-22



Sa pana-panahon, ginagamit ng mga nanghahawakan sa turo ng Trinidad ang Juan 2:18-22 upang patunayan na si Jesus ay ang Diyos. Para sa kapakinabangan ng lahat, suriin nating mabuti ang pag-aangking ito.



"Kaya, bilang sagot, sinabi ng mga Judio sa kaniya: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginagawa mo ang mga bagay na ito?” Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Gibain ninyo ang templong ito, at sa tatlong araw ay itatayo ko ito.” Sa gayon ay sinabi ng mga Judio: “Ang templong ito ay itinayo sa loob ng apatnapu’t anim na taon, at itatayo mo ba ito sa loob ng tatlong araw?” Ngunit nagsasalita siya tungkol sa templo ng kaniyang katawan. Gayunman, nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kaniyang mga alagad na dati na niya itong sinasabi; at pinaniwalaan nila ang Kasulatan at ang pananalitang sinabi ni Jesus." - Juan 2:18-22 *





Ang mga pananalita ng Panginoong Jesus na "Itatayo ko ito" ay inihahambing naman sa mga talatang ito:

"..Alamin ninyong lahat at ng lahat ng mga tao sa Israel, na sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, na ibinayubay ninyo ngunit ibinangon ng Diyos mula sa mga patay, sa pamamagitan ng isang ito kung kaya ang taong ito ay nakatayo rito at magaling na sa harap ninyo." - Gawa 4:10

"Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos, na sa bagay na ito ay mga saksi kaming lahat." Gawa 2:32

Ngayon, kung ibinangon ni Jesus ang kaniyang sarili at ibinangon din ng Diyos si Jesus, samakatuwid, lumilitaw na si Jesus ay maaari ngang ang Diyos na nagbangon sa kaniyang sarili. Waring sa unang tingin ay gayon nga. Gayunman, ipinakikita ng Kasulatan na madalas nitong pagsamahin ang direktang sanhi ng pagkilos sa bukal o pinagmulan nito bago ang direktang sanhi.


Tingnan natin ang ilan pang katulad nito. Sa ulat ng Mateo 10:8, tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang labindalawang alagad:



"Magpagaling kayo ng mga taong may sakit, magbangon ng mga taong patay, gawing malinis ang mga ketongin, magpalayas ng mga demonyo. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad."





Marahil lahat ng naniniwala sa Kasulatan ay sasang-ayon na ang mga alagad, sa kanilang ganang sarili, ay hindi magagawa ang mga bagay na ito. Nangangailangan ito ng pagkilos ng Diyos sa pamamagitan nila para maisagawa ang dakila ngunit mabigat na atas na ito. Kaya naman, kung ang mga alagad ay inihanda ang kanilang mga sarili at humayo ayon sa utos ng Panginoong Jesus, sa gayon ay TIYAK na maibabangon ang mga patay, mapalilinis ang mga ketongin, mapapalayas ang mga demonyo at mapagagaling ang mga taong may sakit. Ang unang pagkilos (pagsunod kay Jesus) ay GUMAGARANTIYA sa ikalawang pagkilos (pagpapagaling ng Diyos) at sa gayon ay matatamo ang ninanais na resulta. Sa ganitong DIWA lamang masasabing, ang mga alagad [sa halip na ang Diyos] ay nagpagaling at nagbangon ng mga patay.

Sa pagsusuri sa Santiago 5:19, 20, matutuklasan natin ang isa pang halimbawa:

"Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay mailigaw mula sa katotohanan at may isang magpanumbalik sa kaniya, alamin ninyo na siya na magpanumbalik sa isang makasalanan mula sa kamalian ng kaniyang daan ay magliligtas ng kaniyang kaluluwa mula sa kamatayan at magtatakip ng maraming kasalanan."

Ngayon, literal ba at posible na ang sumasaklolong Kristiyano ang siyang 'magliligtas ng kaniyang kaluluwa mula sa kamatayan at magtatakip ng maraming kasalanan' o iyan ba ay isang bagay na Diyos lamang ang maaaring makagawa? Hindi ba totoo na kung si Kapatid "A" [bilang halimbawa] ay sumaklolo sa naliligaw na Kapatid "B" at pinanumbalik siya sa tamang landas, siya samakatuwid ay nasa posisyon ngayon para ang Diyos ay magligtas sa kaniyang kaluluwa at takpan ang maraming kasalanan? Ang unang pagkilos (Kapatid "A" pinanumbalik si Kapatid "B") ay GUMAGARANTIYA sa ikalawang pagkilos (pagliligtas at kapatawaran ng Diyos). Sa ganitong DIWA lamang masasabing, si Kapatid "A" ang nagligtas sa kaluluwa ni Kapatid "B" at nagtakip ng maraming kasalanan.

At marami pang halimbawa ang makikita sa simulaing may katumpakang iniharap sa itaas. Bilang karagdagan, maaari nating sipiin ang 1 Corinto 9:22; 1 Timoteo 4:16; at Judas 22, 23. Lahat ng mga halimbawang ito ay paglalarawan sa di-matututulang panuntunang: Kung ang Unang Pagkilos ay GUMAGARANTIYA na ang Ikalawang Pagkilos ay magaganap, at matatamo ang ninanais na resulta, kung gayon ang Unang Pagkilos ang siyang di-tuwirang sanhi ng ninanais na resulta, at sa karaniwanang pangungusap ay masasabing naging sanhi ng ninanais na resulta.

Ngayon, kung ang Panginoong Jesus ay mananatiling tapat sa Diyos hanggang kamatayan, ang kaniyang pagkabuhay muli ay GARANTISADO o TIYAK, kaya naman, sa ganitong DIWA, masasabi niyang binuhay niyang muli ang kaniyang sarili. At dahil sa mahalagang katotohanang ito, walang puwang na igiit nating si Jesus ay ang Diyos na bumuhay sa kaniyang sarili.

[Mga Kasulatang kapaki-pakinabang sa pagsusuri: Ecclesiastes 9:5, 6; Awit 115:17; 146:4; Job 7:9, 10]

 *Lahat ng pagsipi ay mula sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.

Ang Banal na Espritu ba ay Diyos? Pagtalakay sa ulat ng Gawa 5:3, 4

Kadalasan, upang patunayan na ang Banal na Espiritu ay Diyos, ginagamit ng mga nanghahawakan sa doktrina ng Trinidad ang ulat sa Gawa 5:3, 4 bilang patunay o ika nga ay "proof text." Ito ay kababasahan ng ganito:

"Ngunit sinabi ni Pedro: “Ananias, bakit pinalakas ni Satanas ang iyong loob na magbulaan sa banal na espiritu at lihim na ipagkait ang bahagi ng halaga ng bukid? Hangga’t nananatili pa iyon sa iyo, hindi ba iyon nananatiling iyo, at pagkatapos na maipagbili iyon, hindi ba nasa pamamahala mo pa rin iyon? Bakit mo nga nilayon sa iyong puso ang ganitong gawa? Nagbulaan ka, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos."

Sa unang bahagi ng talata, si Pedro ay nag-ulat na si Ananias ay nagbulaan sa "Banal na Espiritu" at sa huling bahagi naman ay sinabi niyang nagbulaan si Ananias sa "Diyos." Samakatuwid daw, iginigiit ng ilan, na ang Banal na Espiritu ay talaga ngang Diyos. 


PAGSUSURI:

Napakaraming halimbawa, kapuwa sa Hebreo at Kristiyanong Griyegong Kasulatan na ikinakapit ang ganitong simulain: Ang pagkilos sa pamamagitan, para o laban sa "A" ay lohikal o makatuwirang katumbas sa pagkilos sa pamamagitan, para o laban sa "B." Tingnan natin kung papaano ito kakapit sa Gawa 5:3, 4 sa pamamagitan ng masusing pag-aaral sa iba pang bahagi ng Kasulatan.


Sa ulat ng 1 Samuel 12:1, mababasa natin:

"Sinabi ni Samuel sa sambayanang Israel, "Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari."

Sa talatang 13, nagpatuloy si Samuel sa pagsasabi:

"Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh."



Isang talata ang nagsasabing si 'Samuel' ang nagbigay ng hari sa Israel, samantalang ang isang talata naman ay nagsasabing si "Yahweh" o Jehova ang nagbigay ng hari sa Israel. Marahil wala naman sigurong magpupumilit na igiit na si Samuel ay siya rin si "Yahweh" o Jehova, dahil lamang sa ang pagbibigay ni Samuel ng hari sa Israel ay katumbas sa mismong ginawa rin ni Jehova, hindi ba?

Ang pagpapahid ng langis kay David, na anak ni Jesse, ay nagpapakita din ng isa pang maliwanag na halimbawa. Sa 1 Samuel 16:13, mababasa natin:




"Sa gayon ay kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid. At ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos kay David magmula nang araw na iyon. Sa kalaunan ay bumangon si Samuel at pumaroon sa Rama."




Muli, sa 2 Samuel 5:3 ay iniulat:

“Kaya ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel ay pumaroon sa hari sa Hebron, at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ni Jehova; pagkatapos nito ay pinahiran nila si David bilang hari sa Israel."

At sa panghuli, sa 2 Samuel 12:7 ay ganito naman ang sinasabi:

"Nang magkagayon ay sinabi ni Natan kay David: “Ikaw mismo ang taong iyon! Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Ako mismo ang nagpahid sa iyo bilang hari sa Israel, at ako mismo ang nagligtas sa iyo mula sa kamay ni Saul."

Ngayon, si Samuel, ang matatandang lalaki ng Israel, o ang Diyos na Jehova ang nagpahid kay David bilang hari? Ang mga sangkot sa pagtatalaga kay David bilang hari sa Israel ay gumaganap para sa Diyos na Jehova. Sa diwa, ang kanilang mga ginawa ay katumbas ng mismong pagkilos ng Diyos sa pagtatalaga niya kay David bilang hari. Maliwanag, walang isa man ang dapat na magpalagay na ang mga talatang ito ay patunay na si Samuel at maging ang mga matatandang lalaki ng Israel at si Jehova ay iisa o iisang persona dahil lamang sa sila ay inuulat na nagsagawa ng magkakaparehong pagkilos o gawain. Hindi, kundi ang simulain na inilatag sa itaas ay kumakapit rito.


Sa Filipos 3:6, si Apostol Pablo, kilala din bilang Saul, ay sumulat:

“Dahil sa masugid kong pagsunod sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kaya't kung sa pagiging matuwid ayon sa Kautusan, wala ring maisusumbat sa akin.” [BMBB]

Pero sa Gawa 9:5, ang tagpo sa pagitan ni Pablo at ng Panginoong Jesus, sinabi ng Panginoong Jesus na siya ang pinag-uusig ni Pablo:

"Sino kayo, Panginoon?" tanong niya."Ako'y si Jesus, ang iyong inuusig," tugon ng tinig sa kanya."

Syempre pa, hindi naman literal na pinag-usig ni Pablo si Jesus, pero dahil ang pagkilos na iyon laban sa Kongregasyong Kristiyano ay KATUMBAS sa pagkilos laban sa Panginoong Jesus, ang pag-usigin ang kongregasyon, sa diwa, ay pag-uusig laban sa Panginoong Jesus.


Dagdag pa tayo ng isa pang halimbawa. Sino ang nanguna sa Israel palabas ng Ehipto patungo sa lupang pangako, sa Canaan? Kung unang titingnan ang Exodo 32:33, 34, malalaman natin:

"At sinabi ni Jehova kay Moises: “Ang sinumang nagkasala laban sa akin, papawiin ko siya mula sa aking aklat. At ngayon, yumaon ka, akayin mo ang bayan sa dakong sinalita ko sa iyo. Narito! Ang aking anghel ay magpapauna sa iyo, at sa araw ng paglalapat ko ng kaparusahan ay maglalapat nga ako ng kaparusahan sa kanila dahil sa kanilang kasalanan.”"

Nang maglaon, sa Nehemias 9:11, 12, ilang tapat na Levita ang nagsabi ng ganito patungkol kay Jehova:

"At ang dagat ay hinati mo sa harap nila, kung kaya nakatawid sila sa gitna ng dagat sa tuyong lupa; at ang mga tumutugis sa kanila ay inihagis mo sa mga kalaliman tulad ng isang bato sa malalakas na tubig. At sa pamamagitan ng isang haliging ulap ay pinatnubayan mo sila sa araw, at sa pamamagitan ng isang haliging apoy sa gabi, upang liwanagan para sa kanila ang daan na dapat nilang lakaran."

Ganundin ang Salmista ay sumulat patungkol kay Jehova ng ganito sa Awit 77:20:

"Pinatnubayan mo ang iyong bayan na parang isang kawan, Sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron."

Si Moises ba ang nanguna o pumatnubay sa Israel? Ang inatasang anghel ba ang nanguna o pumatnubay sa Israel? Ang haliging ulap at haliging apoy ba ang nanguna o pumatnubay sa Israel? Marahil ay nakikita na natin ang implikasyon nito sa ating pinag-uusapang talata.
Tingnan ang isa pang halimbawa. Ang ulat sa Bilang 14:2 ay kababasahan ng ganito:

"At ang lahat ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kay Moises at kay Aaron, at ang buong kapulungan ay nagsabi laban sa kanila: “Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto, o namatay na sana tayo sa ilang na ito!"

Maglaon sa mga talatang 26 at 27 ay ganito naman ang sinasabi:

"At nagsalita si Jehova kay Moises at kay Aaron, na sinasabi: “Hanggang kailan magbubulung-bulungan nang ganito laban sa akin ang masamang kapulungang ito? Narinig ko ang mga bulung-bulungan ng mga anak ni Israel na pinagbubulung-bulungan nila laban sa akin."

Dito, ang pagbubulung-bulungan laban kina Moises at Aaron ay KATUMBAS ng pagbubulung-bulungan laban sa Diyos na Jehova.

Kung babalikan natin ang tema ng pagsusuring ito, Gawa 5:3, 4, ang paghahambing ng mga nabanggit na halimbawa ay maliwanag na nagsasabing: ang pagbubulaan sa Banal na Espiritu ay KATUMBAS ng pagbubulaan sa Diyos. Gayunpaman, gaya ng nakita natin sa mga halimbawa, hindi ibig sabihin nito na ang dalawa ay iisang persona kundi NAGKAKAISA may kaugnayan sa inilarawang pagkilos. Ang igiit na ang Gawa 5:3, 4 ay patunay na ang Diyos at ang Banal na Espiritu ay iisang persona ay katumbas ng pagsasabing ang ulat ng Bilang 14:2, 26, 27 ay patunay rin na si Moises at Aaron at ang Diyos ay iisang persona. At na marapat din ikapit sa mga nauna pang mga halimbawa.

Sa kabila ng naiharap na patotoo, ang ilan naman ay iginigiit na ang pagbubulaan o pagsisinungaling laban sa Banal na Espiritu ay nagpapatunay lamang, na ito ay isang persona, yamang ang pagsisinungaling ay magagawa lamang sa isang persona o indibiduwal. At ang sabi pa nila, hindi ka maaaring makapagsinungaling sa isang 'bagay', kundi sa isang persona o indibiduwal lamang. Ang ganitong pangangatuwiran ay nais nating tugunan.

Sa ilang pagtalakay sa Kasulatan, hindi naman na kakaiba na makitang ang personalidad o katauhan ay ikinakapit sa mga bagay at walang buhay na nilalang. Matatawag itong isang sining sa wika, isang katangian na palasak na palasak sa lahat ng wika. Pansinin ang ilang mga talata:

Job 31:38-40 [Ang Biblia 1905]
"Kung ang aking lupa ay humiyaw laban sa akin, at ang mga bungkal niyaon ay umiyak na magkakasama; Kung kumain ako ng bunga niyaon na walang bayad, o ipinahamak ko ang buhay ng mga may-ari niyaon: Tubuan ng dawag sa halip ng trigo, at ng mga masamang damo sa halip ng cebada. Ang mga salita ni Job ay natapos."

Lucas 7:35
"... ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng ...mga anak nito."

Roma 5:14, 21
"Gayunpaman, ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises, maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan, na nagtataglay ng pagkakahalintulad sa kaniya na darating. Sa anong layunin? Upang, kung paanong ang kasalanan ay namahala bilang hari kasama ang kamatayan, sa gayunding paraan ang di-sana-nararapat na kabaitan ay makapamahala bilang hari sa pamamagitan ng katuwiran tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon."

Gawa 8:20
"Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya: “Malipol nawang kasama mo ang iyong pilak, sapagkat inisip mong ariin sa pamamagitan ng salapi ang walang-bayad na kaloob ng Diyos."

Syempre pa, wala naman sigurong magpupumilit na dahil ang lupa ay "humiyaw", ang mga bungkal ay "umiyak", ang karunungan ay may "anak", ang kamatayan at kasalanan ay "naghahari", ang pilak ay "nalipol" o namatay, ay nagpapakitang ang mga bagay na ito ay mga persona yamang sa katauhan lamang ito kumakapit. Gayunpaman, isang di-matutulang patotoo ang inihaharap ng Santiago 3:14 sa ganitong pakahulugan.

"Ngunit kung kayo ay may mapait na paninibugho at hilig na makipagtalo sa inyong mga puso, huwag kayong magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan."

Ngayon ay maliwanag nating nakikita na sa Kasulatan, ang pagsisinungaling laban sa katotohanan ay hindi humihiling na ito ay maging isang persona! Kaya naman, ang pagsisinungaling laban sa Banal na Espiritu ay hindi rin humihiling na ito ay dapat na isang persona.

Sa pagsusuring ito, napatunayan natin na ang paggamit sa Gawa 5:3, 4 para patunayang Diyos ang Banal na Espiritu o isang persona ay isang panlilinlang, kundi man isang di-tapat na pakahulugan.

[Mga Kasulatan ukol sa pagbubulay-bulay: Lucas 1:41; Mateo 3:11; Gawa 10:38]


Linggo, Oktubre 13, 2013

Ang ulat ng Lucas 24:36-43 at ang katotohanan sa pagkabuhay na mag-uli ni Jesu-Kristo


Ito po ay pagtalakay sa Lucas 24:36-43 may kinalaman sa pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Ang pokus po ng paksang ito ay kung ano ang KAHULUGAN ng mga pananalita ng Panginoong Jesus sa ulat na ito.

Bilang panimula ay ating sipiin, Lucas 24:36-43:


“Habang pinag-uusapan nila ang mga bagay na ito siya mismo ay tumayo sa gitna nila [[at nagsabi sa kanila: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”]] Ngunit sa dahilang nasindak sila, at natakot, inakala nilang nakakita sila ng isang espiritu. Kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nababagabag, at bakit sumisibol sa inyong mga puso ang mga pag-aalinlangan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, na ako mismo ito; hipuin ninyo ako at tingnan, sapagkat ang isang espiritu ay walang laman at mga buto gaya ng namamasdan ninyong taglay ko.” [[At habang sinasabi niya ito ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.]] Ngunit samantalang hindi pa sila naniniwala dahil sa labis na kagalakan at sila ay namamangha, sinabi niya sa kanila: “Mayroon ba kayong anumang makakain diyan?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda; at kinuha niya ito at kinain sa harap ng kanilang mga mata.” - New World Translation [NWT]

Matapos mabasa ang talata, marami ang totoong nananampalataya na talaga ngang TINAGLAY muli ni Jesus ang kaniyang katawan, ang pisikal na laman, buto at dugo, na siyang pangunahing mga sangkap ng isang TAO.  Subalit sa ibang bahagi ng Kasulatan iniulat naman na ang Panginoong Jesus ay talaga ngang ‘isang espiritu’ ng panahong ito, nang siya ay buhaying-muli. Tingnan natin ang isa sa mga rekord na ito.
Sa 1 Corinto 15:45, 47, iniulat ni Apostol Pablo:

“Ganito nga ang nasusulat: “Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.” Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok; ang ikalawang tao ay mula sa langit.”

Walang duda, ang talatang ito ay maliwanag na nagsasabi sa atin na ang Panginoong Jesus ay naging ‘isang espiritung nagbibigay-buhay.’ Paano malulutas ang tila pagkakasalungatang ito?


Ang pangunahing susi sa paglutas sa tila pagkakasalungatang ito ay makikita sa Gawa 23:8, 9, na kababasahan ng ganito:



“Sapagka't sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na maguli, ni anghel, ni espiritu; datapuwa't kapuwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo. At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anomang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?” – Ang Biblia (1905)





Kapansin-pansin na ang “anghel” at “espiritu” ay inihaharap ng talata na parang bang dalawang magkaibang uri ng kalikasan o kalagayan. Totoo, wala naman sigurong kukuwestiyon na ang mga anghel ay talagang mga espiritu. Hinggil dito, ang Kasulatan ay nagsasabi sa Hebreo 1:7 ng ganito:

“Gayundin, may kinalaman sa mga anghel ay kaniyang sinasabi: “At ginagawa niyang mga espiritu ang kaniyang mga anghel, at liyab ng apoy ang kaniyang mga pangmadlang lingkod.””

Pero bakit nga ba ipinapakita ng Gawa 23:8, 9, na ang anghel ay naiiba sa espiritu? Makatuwiran lamang ipagpalagay natin na ang isa ay tumutukoy sa mga banal na anghel ng Diyos at ang isa ay sa mga masasamang espiritu o mas kilala sa tawag na mga demonyo.

Sa isang pagkakataon, nang ang mga alagad ay hindi magawang mapalayas ang demonyo na nasa loob ng isang kabataan, nagsumamamo ang ama nito kay Jesus. Sa ulat ng Marcos 9:20, ang demonyo ay tinukoy lamang bilang isang “espiritu”:

“At dinala nila siya sa kaniya: at pagkakita niya sa kaniya, ay pagdaka'y pinapangatal siyang lubha ng espiritu; at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulonggulong na bumubula ang kaniyang bibig.” – Ang Biblia (1905)

Isa pang halimbawa ang makikita sa Gawa 16:16, 18:

“At nangyari, na nang kami'y nagsisiparoon sa mapapanalanginan, ay sinalubong kami ng isang dalagang may karumaldumal na espiritu ng panghuhula, at nagdadala ng maraming pakinabang sa kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng panghuhula. At maraming mga araw na ginawa niya ito. Datapuwa't palibhasa'y si Pablo ay totoong nababagabag, ay lumingon at sinabi sa espiritu, Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo na lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas nang oras ding yaon.” – Ang Biblia (1905)

Ang mga “espiritu” na nabanggit sa mga talatang ito ay hindi ang mga banal na anghel ng Diyos kundi ang masasamang espiritu.


Bago ang pangglobong baha noong panahon ni Noe, ang masasamang espiritu, o mga demonyo, ay may kakayahang ganap na magkatawang tao. Ito ay pinatutunayan ng Genesis 6:1, 2, na kababasahan ng ganito:

“At nangyari, nang magpasimulang dumami ang mga tao sa ibabaw ng lupa at maipanganak sa kanila ang mga anak na babae, nang magkagayon ay napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.”





Ang di-likas na pagsasamang ito ay nagbunga ng mga anak na mga higante, mga lalaking bantog, na iniulat sa talatang 4 ng Genesis 6:

“Ang mga Nefilim ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at pagkatapos din niyaon, nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao at ang mga ito ay manganak ng mga lalaki sa kanila, sila ang mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog.”



ANO ang kinalaman nito sa ating pinag-uusapan?

 Ang “mga anak ng tunay na Diyos” na ito na tinukoy sa itaas, Genesis 6:1, 2, nang maglaon ay tinawag na mga demonyo, ay tiyak na nawalan ng kakayahang magkatawang tao pagkatapos ng baha dahil wala na tayong makikitang maliwanag na pagtukoy sa mga ito sa Kasulatan. Pagkatapos ng baha, ang mga espiritung ito ay nangailangan na ng isang tagapamagitan o ang tinatawag ng karamihan na espiritista para sila ay makita o makapagparamdam. 
Tingnan ang Levitico 19:31, 20:27; Deut. 18:11; 2 Hari 21:6; 1 Cronica 10:13 at Isaias 29:4.




SA KABALIKTARAN naman, ang mga banal na mga anghel ng Diyos ay hindi kailanman nangailangan ng tagapamagitan o espiritista at samakatuwid ay ganap na nakakapagkatawang tao bago at pagkatapos ng baha. 


Tingnan ang mga halimbawa sa Genesis 18:1 - 19:1-22; 32:24-30; Josue 5:13-5; Hukom 13; Lucas 24:1-11; Gawa 12:6-11.




Sa madaling salita, ang mga “anghel” ay ganap na nakakapagkatawang tao ngunit ang mga “espiritu” ay hindi. ANO ang punto? Kung ating babalikan ang Lucas 24:36-43 kasama ng mga impormasyong iniharap rito, makikita natin ang isang maliwanag na larawan.

Alalahanin na ang mga alagad ay “nasindak” at “natakot,” anupat “inakala nilang nakakita sila ng espiritu.”
Kung inaakala nilang nakakita sila ng isang mabuting “espiritu,” alalaong baga’y isa sa mga banal na anghel, maaari kayang kapuwa sila “nasindak” at “natakot?” O, sila kaya ay nagalak, bagaman ay maaaring nasindak din dahil sa pagkakita ng isang katulad nito?

Dahil dito ay ipinaalala sa kanila ng Panginoong Jesus na ang mga “espiritu,” iyon ay ang masasamang espiritu, ay wala nang kakayahang maging “laman at buto”, kaya naman, wala silang dapat na ikatakot.

Oo, ang Panginoong Jesus ay naging isang “espiritung nagbibigay-buhay”, gaya ng pagkakaulat nito ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 15:45, 47. Hindi siya naging isang masamang espiritu na nagdudulot ng takot at kamatayan.