Sa pana-panahon, ginagamit ng mga nanghahawakan sa turo ng
Trinidad ang Juan 2:18-22 upang patunayan na si Jesus ay ang Diyos. Para sa kapakinabangan ng lahat, suriin nating mabuti ang pag-aangking
ito.
"Kaya, bilang sagot, sinabi ng mga Judio sa kaniya: “Anong
tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginagawa mo ang mga bagay na ito?”
Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Gibain ninyo ang templong ito, at
sa tatlong araw ay itatayo ko ito.” Sa gayon ay sinabi ng mga Judio: “Ang
templong ito ay itinayo sa loob ng apatnapu’t anim na taon, at itatayo mo ba
ito sa loob ng tatlong araw?” Ngunit nagsasalita siya tungkol sa templo ng
kaniyang katawan. Gayunman, nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng
kaniyang mga alagad na dati na niya itong sinasabi; at pinaniwalaan nila ang
Kasulatan at ang pananalitang sinabi ni Jesus." - Juan 2:18-22 *
Ang mga pananalita ng Panginoong Jesus na "Itatayo ko
ito" ay inihahambing naman sa mga talatang ito:
"..Alamin ninyong lahat at ng lahat ng mga tao sa
Israel, na sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, na ibinayubay ninyo ngunit
ibinangon ng Diyos mula sa mga patay, sa pamamagitan ng isang ito kung kaya ang
taong ito ay nakatayo rito at magaling na sa harap ninyo." - Gawa 4:10
"Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos, na sa
bagay na ito ay mga saksi kaming lahat." Gawa 2:32
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhhtZehTdI7o-Minc7oMKYbgYX80-fjGzDEByp21a7WdeG9xpjJWY2uWiQt4sFUTJ6eBFbNpVDBYIzl9TLZPZBdHMi6XQjQS3C4L6BZ72fd-ZIvf6GVYBspFR5vK8roPz0E_IlP8HkEsjA/s320/ascencion.png)
Tingnan natin ang ilan pang katulad nito. Sa ulat ng Mateo 10:8, tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang labindalawang alagad:
"Magpagaling kayo ng mga taong may sakit, magbangon ng
mga taong patay, gawing malinis ang mga ketongin, magpalayas ng mga demonyo.
Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad."
Marahil lahat ng naniniwala sa Kasulatan ay sasang-ayon na
ang mga alagad, sa kanilang ganang sarili, ay hindi magagawa ang mga bagay na
ito. Nangangailangan ito ng pagkilos ng Diyos sa pamamagitan nila para
maisagawa ang dakila ngunit mabigat na atas na ito. Kaya naman, kung ang mga
alagad ay inihanda ang kanilang mga sarili at humayo ayon sa utos ng Panginoong
Jesus, sa gayon ay TIYAK na maibabangon ang mga patay, mapalilinis ang mga
ketongin, mapapalayas ang mga demonyo at mapagagaling ang mga taong may sakit.
Ang unang pagkilos (pagsunod kay Jesus) ay GUMAGARANTIYA sa ikalawang pagkilos
(pagpapagaling ng Diyos) at sa gayon ay matatamo ang ninanais na resulta. Sa
ganitong DIWA lamang masasabing, ang mga alagad [sa halip na ang Diyos] ay
nagpagaling at nagbangon ng mga patay.
Sa pagsusuri sa Santiago 5:19, 20, matutuklasan natin ang
isa pang halimbawa:
"Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay mailigaw
mula sa katotohanan at may isang magpanumbalik sa kaniya, alamin ninyo na siya
na magpanumbalik sa isang makasalanan mula sa kamalian ng kaniyang daan ay
magliligtas ng kaniyang kaluluwa mula sa kamatayan at magtatakip ng maraming
kasalanan."
Ngayon, literal ba at posible na ang sumasaklolong
Kristiyano ang siyang 'magliligtas ng kaniyang kaluluwa mula sa kamatayan at
magtatakip ng maraming kasalanan' o iyan ba ay isang bagay na Diyos lamang ang
maaaring makagawa? Hindi ba totoo na kung si Kapatid "A" [bilang
halimbawa] ay sumaklolo sa naliligaw na Kapatid "B" at pinanumbalik
siya sa tamang landas, siya samakatuwid ay nasa posisyon ngayon para ang Diyos
ay magligtas sa kaniyang kaluluwa at takpan ang maraming kasalanan? Ang unang
pagkilos (Kapatid "A" pinanumbalik si Kapatid "B") ay
GUMAGARANTIYA sa ikalawang pagkilos (pagliligtas at kapatawaran ng Diyos). Sa
ganitong DIWA lamang masasabing, si Kapatid "A" ang nagligtas sa
kaluluwa ni Kapatid "B" at nagtakip ng maraming kasalanan.
At marami pang halimbawa ang makikita sa simulaing may
katumpakang iniharap sa itaas. Bilang karagdagan, maaari nating sipiin ang 1
Corinto 9:22; 1 Timoteo 4:16; at Judas 22, 23. Lahat ng mga halimbawang ito ay
paglalarawan sa di-matututulang panuntunang: Kung ang Unang Pagkilos ay
GUMAGARANTIYA na ang Ikalawang Pagkilos ay magaganap, at matatamo ang ninanais
na resulta, kung gayon ang Unang Pagkilos ang siyang di-tuwirang sanhi ng
ninanais na resulta, at sa karaniwanang pangungusap ay masasabing naging sanhi
ng ninanais na resulta.
Ngayon, kung ang Panginoong Jesus ay mananatiling tapat sa
Diyos hanggang kamatayan, ang kaniyang pagkabuhay muli ay GARANTISADO o TIYAK,
kaya naman, sa ganitong DIWA, masasabi niyang binuhay niyang muli ang kaniyang
sarili. At dahil sa mahalagang katotohanang ito, walang puwang na igiit nating
si Jesus ay ang Diyos na bumuhay sa kaniyang sarili.
[Mga Kasulatang kapaki-pakinabang sa pagsusuri: Ecclesiastes
9:5, 6; Awit 115:17; 146:4; Job 7:9, 10]
*Lahat ng pagsipi ay
mula sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.
Magandang Presintasyon.
TumugonBurahinSana may kasunod pa.