Linggo, Oktubre 13, 2013

Ang ulat ng Lucas 24:36-43 at ang katotohanan sa pagkabuhay na mag-uli ni Jesu-Kristo


Ito po ay pagtalakay sa Lucas 24:36-43 may kinalaman sa pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Ang pokus po ng paksang ito ay kung ano ang KAHULUGAN ng mga pananalita ng Panginoong Jesus sa ulat na ito.

Bilang panimula ay ating sipiin, Lucas 24:36-43:


“Habang pinag-uusapan nila ang mga bagay na ito siya mismo ay tumayo sa gitna nila [[at nagsabi sa kanila: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”]] Ngunit sa dahilang nasindak sila, at natakot, inakala nilang nakakita sila ng isang espiritu. Kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nababagabag, at bakit sumisibol sa inyong mga puso ang mga pag-aalinlangan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, na ako mismo ito; hipuin ninyo ako at tingnan, sapagkat ang isang espiritu ay walang laman at mga buto gaya ng namamasdan ninyong taglay ko.” [[At habang sinasabi niya ito ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.]] Ngunit samantalang hindi pa sila naniniwala dahil sa labis na kagalakan at sila ay namamangha, sinabi niya sa kanila: “Mayroon ba kayong anumang makakain diyan?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda; at kinuha niya ito at kinain sa harap ng kanilang mga mata.” - New World Translation [NWT]

Matapos mabasa ang talata, marami ang totoong nananampalataya na talaga ngang TINAGLAY muli ni Jesus ang kaniyang katawan, ang pisikal na laman, buto at dugo, na siyang pangunahing mga sangkap ng isang TAO.  Subalit sa ibang bahagi ng Kasulatan iniulat naman na ang Panginoong Jesus ay talaga ngang ‘isang espiritu’ ng panahong ito, nang siya ay buhaying-muli. Tingnan natin ang isa sa mga rekord na ito.
Sa 1 Corinto 15:45, 47, iniulat ni Apostol Pablo:

“Ganito nga ang nasusulat: “Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.” Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok; ang ikalawang tao ay mula sa langit.”

Walang duda, ang talatang ito ay maliwanag na nagsasabi sa atin na ang Panginoong Jesus ay naging ‘isang espiritung nagbibigay-buhay.’ Paano malulutas ang tila pagkakasalungatang ito?


Ang pangunahing susi sa paglutas sa tila pagkakasalungatang ito ay makikita sa Gawa 23:8, 9, na kababasahan ng ganito:



“Sapagka't sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na maguli, ni anghel, ni espiritu; datapuwa't kapuwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo. At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anomang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?” – Ang Biblia (1905)





Kapansin-pansin na ang “anghel” at “espiritu” ay inihaharap ng talata na parang bang dalawang magkaibang uri ng kalikasan o kalagayan. Totoo, wala naman sigurong kukuwestiyon na ang mga anghel ay talagang mga espiritu. Hinggil dito, ang Kasulatan ay nagsasabi sa Hebreo 1:7 ng ganito:

“Gayundin, may kinalaman sa mga anghel ay kaniyang sinasabi: “At ginagawa niyang mga espiritu ang kaniyang mga anghel, at liyab ng apoy ang kaniyang mga pangmadlang lingkod.””

Pero bakit nga ba ipinapakita ng Gawa 23:8, 9, na ang anghel ay naiiba sa espiritu? Makatuwiran lamang ipagpalagay natin na ang isa ay tumutukoy sa mga banal na anghel ng Diyos at ang isa ay sa mga masasamang espiritu o mas kilala sa tawag na mga demonyo.

Sa isang pagkakataon, nang ang mga alagad ay hindi magawang mapalayas ang demonyo na nasa loob ng isang kabataan, nagsumamamo ang ama nito kay Jesus. Sa ulat ng Marcos 9:20, ang demonyo ay tinukoy lamang bilang isang “espiritu”:

“At dinala nila siya sa kaniya: at pagkakita niya sa kaniya, ay pagdaka'y pinapangatal siyang lubha ng espiritu; at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulonggulong na bumubula ang kaniyang bibig.” – Ang Biblia (1905)

Isa pang halimbawa ang makikita sa Gawa 16:16, 18:

“At nangyari, na nang kami'y nagsisiparoon sa mapapanalanginan, ay sinalubong kami ng isang dalagang may karumaldumal na espiritu ng panghuhula, at nagdadala ng maraming pakinabang sa kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng panghuhula. At maraming mga araw na ginawa niya ito. Datapuwa't palibhasa'y si Pablo ay totoong nababagabag, ay lumingon at sinabi sa espiritu, Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo na lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas nang oras ding yaon.” – Ang Biblia (1905)

Ang mga “espiritu” na nabanggit sa mga talatang ito ay hindi ang mga banal na anghel ng Diyos kundi ang masasamang espiritu.


Bago ang pangglobong baha noong panahon ni Noe, ang masasamang espiritu, o mga demonyo, ay may kakayahang ganap na magkatawang tao. Ito ay pinatutunayan ng Genesis 6:1, 2, na kababasahan ng ganito:

“At nangyari, nang magpasimulang dumami ang mga tao sa ibabaw ng lupa at maipanganak sa kanila ang mga anak na babae, nang magkagayon ay napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.”





Ang di-likas na pagsasamang ito ay nagbunga ng mga anak na mga higante, mga lalaking bantog, na iniulat sa talatang 4 ng Genesis 6:

“Ang mga Nefilim ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at pagkatapos din niyaon, nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao at ang mga ito ay manganak ng mga lalaki sa kanila, sila ang mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog.”



ANO ang kinalaman nito sa ating pinag-uusapan?

 Ang “mga anak ng tunay na Diyos” na ito na tinukoy sa itaas, Genesis 6:1, 2, nang maglaon ay tinawag na mga demonyo, ay tiyak na nawalan ng kakayahang magkatawang tao pagkatapos ng baha dahil wala na tayong makikitang maliwanag na pagtukoy sa mga ito sa Kasulatan. Pagkatapos ng baha, ang mga espiritung ito ay nangailangan na ng isang tagapamagitan o ang tinatawag ng karamihan na espiritista para sila ay makita o makapagparamdam. 
Tingnan ang Levitico 19:31, 20:27; Deut. 18:11; 2 Hari 21:6; 1 Cronica 10:13 at Isaias 29:4.




SA KABALIKTARAN naman, ang mga banal na mga anghel ng Diyos ay hindi kailanman nangailangan ng tagapamagitan o espiritista at samakatuwid ay ganap na nakakapagkatawang tao bago at pagkatapos ng baha. 


Tingnan ang mga halimbawa sa Genesis 18:1 - 19:1-22; 32:24-30; Josue 5:13-5; Hukom 13; Lucas 24:1-11; Gawa 12:6-11.




Sa madaling salita, ang mga “anghel” ay ganap na nakakapagkatawang tao ngunit ang mga “espiritu” ay hindi. ANO ang punto? Kung ating babalikan ang Lucas 24:36-43 kasama ng mga impormasyong iniharap rito, makikita natin ang isang maliwanag na larawan.

Alalahanin na ang mga alagad ay “nasindak” at “natakot,” anupat “inakala nilang nakakita sila ng espiritu.”
Kung inaakala nilang nakakita sila ng isang mabuting “espiritu,” alalaong baga’y isa sa mga banal na anghel, maaari kayang kapuwa sila “nasindak” at “natakot?” O, sila kaya ay nagalak, bagaman ay maaaring nasindak din dahil sa pagkakita ng isang katulad nito?

Dahil dito ay ipinaalala sa kanila ng Panginoong Jesus na ang mga “espiritu,” iyon ay ang masasamang espiritu, ay wala nang kakayahang maging “laman at buto”, kaya naman, wala silang dapat na ikatakot.

Oo, ang Panginoong Jesus ay naging isang “espiritung nagbibigay-buhay”, gaya ng pagkakaulat nito ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 15:45, 47. Hindi siya naging isang masamang espiritu na nagdudulot ng takot at kamatayan.

2 komento:

  1. wow tagalog na tagalog tiyak maraming makikinabang nito. antayin namin yung ibang mga hot topic pa sir hehe

    TumugonBurahin