Kadalasan, upang patunayan na ang Banal na Espiritu
ay Diyos, ginagamit ng mga nanghahawakan sa doktrina ng Trinidad ang ulat sa
Gawa 5:3, 4 bilang patunay o ika nga ay "proof text." Ito ay
kababasahan ng ganito:
"Ngunit
sinabi ni Pedro: “Ananias, bakit pinalakas ni Satanas ang iyong loob na
magbulaan sa banal na espiritu at lihim na ipagkait ang bahagi ng halaga ng
bukid? Hangga’t nananatili pa iyon sa iyo, hindi ba iyon nananatiling iyo, at
pagkatapos na maipagbili iyon, hindi ba nasa pamamahala mo pa rin iyon? Bakit
mo nga nilayon sa iyong puso ang ganitong gawa? Nagbulaan ka, hindi sa mga tao,
kundi sa Diyos."
Sa unang bahagi ng talata, si Pedro ay nag-ulat na
si Ananias ay nagbulaan sa "Banal na Espiritu" at sa huling bahagi
naman ay sinabi niyang nagbulaan si Ananias sa "Diyos." Samakatuwid
daw, iginigiit ng ilan, na ang Banal na Espiritu ay talaga ngang
Diyos.
PAGSUSURI:
Napakaraming halimbawa, kapuwa sa Hebreo at
Kristiyanong Griyegong Kasulatan na ikinakapit ang ganitong simulain: Ang
pagkilos sa pamamagitan, para o laban sa "A" ay lohikal o
makatuwirang katumbas sa pagkilos sa pamamagitan, para o laban sa
"B." Tingnan natin kung papaano ito kakapit sa Gawa 5:3, 4 sa
pamamagitan ng masusing pag-aaral sa iba pang bahagi ng Kasulatan.
Sa ulat ng 1 Samuel 12:1, mababasa natin:
"Sinabi
ni Samuel sa sambayanang Israel, "Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo,
nabigyan ko na kayo ng hari."
Sa talatang 13, nagpatuloy si Samuel sa pagsasabi:
"Narito ngayon ang haring
hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh."
Isang talata ang nagsasabing si 'Samuel' ang
nagbigay ng hari sa Israel, samantalang ang isang talata naman ay nagsasabing
si "Yahweh" o Jehova ang nagbigay ng hari sa Israel. Marahil wala
naman sigurong magpupumilit na igiit na si Samuel ay siya rin si
"Yahweh" o Jehova, dahil lamang sa ang pagbibigay ni Samuel ng hari
sa Israel ay katumbas sa mismong ginawa rin ni Jehova, hindi ba?
Ang pagpapahid ng langis kay David, na anak ni
Jesse, ay nagpapakita din ng isa pang maliwanag na halimbawa. Sa 1 Samuel
16:13, mababasa natin:
"Sa
gayon ay kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at pinahiran siya sa gitna ng
kaniyang mga kapatid. At ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos kay
David magmula nang araw na iyon. Sa kalaunan ay bumangon si Samuel at pumaroon
sa Rama."
Muli, sa 2 Samuel 5:3 ay iniulat:
“Kaya
ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel ay pumaroon sa hari sa Hebron, at si
Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ni Jehova; pagkatapos
nito ay pinahiran nila si David bilang hari sa Israel."
At sa panghuli, sa 2 Samuel 12:7 ay ganito naman
ang sinasabi:
"Nang
magkagayon ay sinabi ni Natan kay David: “Ikaw mismo ang taong iyon! Ito ang
sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Ako mismo ang nagpahid sa iyo bilang hari
sa Israel, at ako mismo ang nagligtas sa iyo mula sa kamay ni Saul."
Ngayon, si Samuel, ang matatandang lalaki ng
Israel, o ang Diyos na Jehova ang nagpahid kay David bilang hari? Ang mga
sangkot sa pagtatalaga kay David bilang hari sa Israel ay gumaganap para sa
Diyos na Jehova. Sa diwa, ang kanilang mga ginawa ay katumbas ng mismong
pagkilos ng Diyos sa pagtatalaga niya kay David bilang hari. Maliwanag, walang
isa man ang dapat na magpalagay na ang mga talatang ito ay patunay na si Samuel
at maging ang mga matatandang lalaki ng Israel at si Jehova ay iisa o iisang persona
dahil lamang sa sila ay inuulat na nagsagawa ng magkakaparehong pagkilos o
gawain. Hindi, kundi ang simulain na inilatag sa itaas ay kumakapit rito.
Sa Filipos 3:6, si Apostol Pablo, kilala din bilang
Saul, ay sumulat:
“Dahil
sa masugid kong pagsunod sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kaya't kung sa
pagiging matuwid ayon sa Kautusan, wala ring maisusumbat sa akin.” [BMBB]
Pero sa Gawa 9:5, ang tagpo sa pagitan ni Pablo at
ng Panginoong Jesus, sinabi ng Panginoong Jesus na siya ang pinag-uusig ni
Pablo:
"Sino kayo, Panginoon?"
tanong niya."Ako'y si Jesus, ang iyong inuusig," tugon ng tinig sa
kanya."
Syempre pa, hindi naman literal na pinag-usig ni
Pablo si Jesus, pero dahil ang pagkilos na iyon laban sa Kongregasyong
Kristiyano ay KATUMBAS sa pagkilos laban sa Panginoong Jesus, ang pag-usigin
ang kongregasyon, sa diwa, ay pag-uusig laban sa Panginoong Jesus.
Dagdag pa tayo ng isa pang halimbawa. Sino ang nanguna sa Israel palabas ng Ehipto
patungo sa lupang pangako, sa Canaan? Kung unang titingnan ang Exodo 32:33, 34,
malalaman natin:
"At
sinabi ni Jehova kay Moises: “Ang sinumang nagkasala laban sa akin, papawiin ko
siya mula sa aking aklat. At ngayon, yumaon ka, akayin mo ang bayan sa dakong
sinalita ko sa iyo. Narito! Ang aking anghel ay magpapauna sa iyo, at sa araw
ng paglalapat ko ng kaparusahan ay maglalapat nga ako ng kaparusahan sa kanila
dahil sa kanilang kasalanan.”"
Nang maglaon, sa Nehemias 9:11, 12, ilang tapat na
Levita ang nagsabi ng ganito patungkol kay Jehova:
"At
ang dagat ay hinati mo sa harap nila, kung kaya nakatawid sila sa gitna ng
dagat sa tuyong lupa; at ang mga tumutugis sa kanila ay inihagis mo sa mga
kalaliman tulad ng isang bato sa malalakas na tubig. At sa pamamagitan ng isang
haliging ulap ay pinatnubayan mo sila sa araw, at sa pamamagitan ng isang
haliging apoy sa gabi, upang liwanagan para sa kanila ang daan na dapat nilang
lakaran."
Ganundin ang Salmista ay sumulat patungkol kay
Jehova ng ganito sa Awit 77:20:
"Pinatnubayan
mo ang iyong bayan na parang isang kawan, Sa pamamagitan ng kamay ni Moises at
ni Aaron."
Si Moises ba ang nanguna o pumatnubay sa Israel?
Ang inatasang anghel ba ang nanguna o pumatnubay sa Israel? Ang haliging ulap
at haliging apoy ba ang nanguna o pumatnubay sa Israel? Marahil ay nakikita na
natin ang implikasyon nito sa ating pinag-uusapang talata.
Tingnan ang isa pang halimbawa. Ang ulat sa Bilang
14:2 ay kababasahan ng ganito:
"At
ang lahat ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kay
Moises at kay Aaron, at ang buong kapulungan ay nagsabi laban sa kanila:
“Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto, o namatay na sana tayo sa ilang na
ito!"
Maglaon sa mga talatang 26 at 27 ay ganito naman
ang sinasabi:
"At
nagsalita si Jehova kay Moises at kay Aaron, na sinasabi: “Hanggang kailan
magbubulung-bulungan nang ganito laban sa akin ang masamang kapulungang ito?
Narinig ko ang mga bulung-bulungan ng mga anak ni Israel na
pinagbubulung-bulungan nila laban sa akin."
Dito, ang pagbubulung-bulungan laban kina Moises at
Aaron ay KATUMBAS ng pagbubulung-bulungan laban sa Diyos na Jehova.
Kung babalikan natin ang tema ng pagsusuring ito,
Gawa 5:3, 4, ang paghahambing ng mga nabanggit na halimbawa ay maliwanag na
nagsasabing: ang pagbubulaan sa Banal na Espiritu ay KATUMBAS ng pagbubulaan sa
Diyos. Gayunpaman, gaya ng nakita natin sa mga halimbawa, hindi ibig sabihin
nito na ang dalawa ay iisang persona kundi NAGKAKAISA may kaugnayan sa
inilarawang pagkilos. Ang igiit na ang Gawa 5:3, 4 ay patunay na ang Diyos at
ang Banal na Espiritu ay iisang persona ay katumbas ng pagsasabing ang ulat ng
Bilang 14:2, 26, 27 ay patunay rin na si Moises at Aaron at ang Diyos ay iisang
persona. At na marapat din ikapit sa mga nauna pang mga halimbawa.
Sa kabila ng naiharap na patotoo, ang ilan naman ay
iginigiit na ang pagbubulaan o pagsisinungaling laban sa Banal na Espiritu ay
nagpapatunay lamang, na ito ay isang persona, yamang ang pagsisinungaling ay
magagawa lamang sa isang persona o indibiduwal. At ang sabi pa nila, hindi ka
maaaring makapagsinungaling sa isang 'bagay', kundi sa isang persona o
indibiduwal lamang. Ang ganitong pangangatuwiran ay nais nating tugunan.
Sa ilang pagtalakay sa Kasulatan, hindi naman na
kakaiba na makitang ang personalidad o katauhan ay ikinakapit sa mga bagay at
walang buhay na nilalang. Matatawag itong isang sining sa wika, isang katangian
na palasak na palasak sa lahat ng wika. Pansinin ang ilang mga talata:
Job 31:38-40 [Ang Biblia 1905]
"Kung
ang aking lupa ay humiyaw laban sa akin, at ang mga bungkal niyaon ay umiyak na
magkakasama; Kung kumain ako ng bunga niyaon na walang bayad, o ipinahamak ko
ang buhay ng mga may-ari niyaon: Tubuan ng dawag sa halip ng trigo, at ng mga
masamang damo sa halip ng cebada. Ang mga salita ni Job ay natapos."
Lucas 7:35
"... ang karunungan
ay pinatutunayang matuwid ng ...mga anak nito."
Roma 5:14, 21
"Gayunpaman,
ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises, maging
doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan, na nagtataglay
ng pagkakahalintulad sa kaniya na darating. Sa anong layunin? Upang, kung
paanong ang kasalanan ay namahala bilang hari kasama ang kamatayan, sa
gayunding paraan ang di-sana-nararapat na kabaitan ay makapamahala bilang hari
sa pamamagitan ng katuwiran tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni
Jesu-Kristo na ating Panginoon."
Gawa 8:20
"Ngunit
sinabi ni Pedro sa kaniya: “Malipol nawang kasama mo ang iyong pilak, sapagkat
inisip mong ariin sa pamamagitan ng salapi ang walang-bayad na kaloob ng
Diyos."
Syempre pa, wala naman sigurong magpupumilit na
dahil ang lupa ay "humiyaw", ang mga bungkal ay "umiyak",
ang karunungan ay may "anak", ang kamatayan at kasalanan ay
"naghahari", ang pilak ay "nalipol" o namatay, ay
nagpapakitang ang mga bagay na ito ay mga persona yamang sa katauhan lamang ito
kumakapit. Gayunpaman, isang di-matutulang patotoo ang inihaharap ng Santiago
3:14 sa ganitong pakahulugan.
"Ngunit
kung kayo ay may mapait na paninibugho at hilig na makipagtalo sa inyong mga
puso, huwag kayong magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan."
Ngayon ay maliwanag nating nakikita na sa
Kasulatan, ang pagsisinungaling laban sa katotohanan ay hindi humihiling na ito
ay maging isang persona! Kaya naman, ang pagsisinungaling laban sa Banal na
Espiritu ay hindi rin humihiling na ito ay dapat na isang persona.
Sa pagsusuring ito, napatunayan natin na ang
paggamit sa Gawa 5:3, 4 para patunayang Diyos ang Banal na Espiritu o isang
persona ay isang panlilinlang, kundi man isang di-tapat na pakahulugan.
[Mga Kasulatan ukol sa pagbubulay-bulay: Lucas
1:41; Mateo 3:11; Gawa 10:38]